Sunday, February 22, 2009

HAPPY FATHERS' DAY (POSTED: JUN2008)

FATHERS’ DAY IS ON JUNE 13 OR 14… DI KO SURE.. BASTA SA MGA DATE NA YAN, DOON YUN..
========================================================================



intro:

hindi mo naman talaga mapipili kung sino ang magiging magulang mo. iba-iba nga lang sila kung magpakita ng affection at magdisiplina.

may marahas, may sweet, may "parang walang paki", may "akala mo naman may third and fourth eye dahil lahat na lang nang ginawa mo napansin na", may parang bading kung magsaway, may "grabe kung magpakita ng affection kahit malaki ka na kung ma-baby ka parang hindi ka tumatanda"..

basta, kung mababasa sila, dadami pa sila!

========================================================================

hindi maipagkakailang sa buong buhay ko, ang naging kasama ko ay ang aking ama. sa loob ng 22 taon na lumaki ako (at lumalaki pa rin! kainis!) siya pa rin ang nandiyan. tibay nga ng tatay ko eh. akalain mo yun! nagtagal pa ang buhay niya kahit puro kunsomisyon ang binibigay ko sa kanya!

sa totoo lang, hindi sweet ang tatay ko. (mind you!) hindi siya tulad ng ibang ama na parating "I love you, anak!" o kung magasaway eh.. "anak, don’t go there! it’s too dangerous for your health. drink moderately. if symptoms persist, consult your doctor…"

alam niyo, para nga siyang militar noon… ahhhmm… kahit ngayon eh. takot ako talaga sa kaniya. sa tuwing darating siya ng bahay mula sa trabaho, naisip ko, sana uso ang overtime sa kanila (parati kasing nagsasara ang shop na pinagtatrabahuhan nang mga 6:00 PM. standard time.)

ito na ang kuwento..

========================================================================

noong bata pa ako, may pagka-loner talaga ako. ang mga kapatid ko, mahilig silang umalis, lumabas ng bahay, sumama sa mga kamag-anak namin para magbakasyon sa probinsya. ako? hindi na. sa bahay na lang ako. at least, doon nagpapahinga lang ako. walang istorbo basta ako lang mag-isa.

ang tatay ko rin loner… (pucha! ano ba yun?) so dalawa na kaming loner sa bahay. (kaasar! akala ko masosolo ko ang bahay.)

isang araw (6 na taon na yata ako noon), hindi ko alam kung anong pumasok sa kokote ko at gusto kong sorpresahin ang tatay ko.

wala akong alam na gawaing bahay noon dahil bata pa ako. pero sinikap kong linisin ang bahay. at malinis naman.

at ang hindi ko dapat ginawa…

ginawa ko.

ang magsaing (wala po kaming rice cooker noon. as in manual ang saing. pero sa stove para sosyal.)

kinuha ko na ang kaldero. sumalok ako ng 5 tasang bigas at hinugasan ko iyon. mga dalawang beses. at pagkatapos, ginaya ko ang ginagawa ng dati naming katulong. susukatin sa daliri pero malay ko ba noon kung para saan yung ganun. pero madami talaga yung nailagay kong tubig.

paningit: akala ko, kung ano’ng isinalok kung bigas, ganun din yun pag naluto. akala ko hindi na siya mage-expand… alam niyo naman, bata pa lang ako may taglay na rin akong katangahan. malay ko ba sa molecular composition ng bigas? na dadami pala yung pag naluto?

tuloy ang kuwento…

lumipas ang ilang minuto, kumukulo na ang sinasaing ko. hindi ko talaga iniwan ang sinasaing ko noon. pero napasin ko, lumampas sa kaldero ang bigas. in short, may natapon. ako naman si tanga, kinuha ko ang lahat ng sobrang bigas hanggang sa mangalahati na yung laman ng kaldero.

at para hindi makita, itinapon ko ang sobra sa likod-bahay.

at ang sinaing ko?

ayun! super lugaw..

lugaw na may sabaw. (hindi mo na siguro nanaising kainin yung kung naiisip mo lang kung ano nga ang hitsura ng finished product ko. siguro kung makikita mo iyon at ipapakain ko sa iyo, parang nakikita mo ang sarili mo sa palabas na pinamagatang "FEAR FACTOR". )

nakauwi na siya (sino pa, kundi ang tatay ko?) galing sa trabaho.natuwa siya ng makita niyang malinis ang bahay. pero nang simula na niyang galugarin ang kusina, nakita na niya ang kalat na aking ginawa!

anim na taong gulang na bata. anong alam ko sa sinaing? pero nagmarunong ako dahil akala ko matutuwa siya. tinawag niya ako. iba ang tono. hindi ko maipaliwanag. natatakot na ako dahil hindi ko alam kung anong sandata ang hawak niya.

magic broomstick?
green leafy palapa ng niyog?
sinturon ni Hudas?
sayonachi (tsinelas)?
o yung mighty Hand niya?
yung super kick niya?
big o small dipper (tabo)?
suklay na Pacifica Falayfay (yun ang pinaka-accessible na pamalo sa bahay namin)
tabla? lawanit? dos por dos?

hindi ko na alam.

hindi ko naman naisip ang Bantay Bata 163, Rescue 911, Pulis 117, Disaster Coordinating Council, Red Cross, How’s My Driving?, contact LTFRB, Home TV Shopping, o kung ano pa mang telephone number na papasok sa isip mo pag nasa panganib ka.

alam ko kasing kasalanan ko.

lumapit na ako sa aking tatay na alam kong umuusok na ang ilong sa galit.

nagulat ako! wala siyang dalang armas!

mainit ang kanin. bagong saing (disaster). inilapat niya sa mesa ang isang platong may laman na kanin na iniros niya.

"Anak, paano mo ito sinaing?"

"HIndi ko alam ‘tay. KAsi akala ko po, maluluto ko iyon."

HIndi ko alam na tinungo na rin pala ni Tatay ang likod bahay.

"ANo naman ang mga tinapon mo sa likod ng bahay natin?"

Sa totoo lang magdadahilan na sana ako. pero hindi na naiintindihan ang salita ko. takot na takot na kasi ako noon. parang kinakain ko na rin ang salita ko.

iniupo niya ako sa upuan na malapit sa kaniya. iniharap ako sa kanin na tila ba sinadya ko na ring sayangin. oo, sayang naman talaga eh.

kinuha niya ang kanang kamay ko..

at..

ipinatong niya sa maiinit at umuusok na kanin!

sigaw ako ng sigaw dahil talagang naramdaman ko ang paso sa malilit kong kamay. mainit! parang maluluto ang kamay ko. 30 seconds din yun tantsa ko. matagal. iyak ako nang iyak pero parang wala siyang naririnig.

"ayoko na po.. ayoko na po… nanay… tatay… kuya… "

kung sino-sino na ang tinatawag ko sa sobrang awa rin na nararamdaman ko sa sarili ko. hindi ko alam pero maaaring mababaw lang ito sa iyo pero sa isang batang katulad ko noon, naghahanap ako ng sweet na magulang pero wala iyon sa katauhan ng tatay ko.

wala ang nanay ko. wag mo nang itanong kung nasaan siya.

tumigil din siya ng malamang niyang sumusilip na ang mga tsismoso naming kapitbahay sa kaniya. malamang takot din siyang baka isumbong siya sa pulis.

iniwan niya ako at iniharap niya pa rin ako sa mainit na kanin na iyon.

"sa tingin mo makakain ko yan? itigil mo ang kalokohan mo!"

at pumasok na siya sa kuwarto.

umiyak lang ako. iyak nang iyak hanggang makatulog ako sa pagod, sa sakit, at dahil sawa na rin akong umiyak noon.

=======================================================================

hindi ako nagtanim ng galit. pero aaminin ko na talagang alam ko rin na sobrang parusa iyon para sa isang batang katulad ko.

=======================================================================

nalaman ko na lang noong 12 years old na ako…

isang magsasaka pala ang tatay ko noong bata pa siya.

========================================================================

inunawa ko na lang iyon. dahil alam ko naman na mali ko talaga. hindi ko siya masisisi.

hindi ako mabait kung iyon ang akala niyo.

maunawain lang siguro ako.

========================================================================

‘tay, Happy Father’s Day.

Totoo ngang ang palo ng magulang nakakapagpataba ng anak. ‘ta mo, ang taba-taba ko. ahahahhahaha!!!! at lease hindi ako payatot.

sa mga palong iyon, natuto akong magpahalaga sa lahat ng bagay. waldas nga lang akong tao pagdating sa pera pero tinuruan mo akong ma-appreciate ang mga bagay kahit maliliit lang. natuto akong magpahalaga sa mga bagay na mayroon ako at magsumikap para magkaroon ako ng mga bagay na wala ako.

natuto rin akong hindi maging mayabang (hindi nga lang sa lahat ng oras humble ako.), magdasal sa lahat ng oras; hindi lamang sa oras ng panganib. natuto akong magpasalamat sa lahat ng lalo na sa buhay na mayroon ako. hindi nga lang ako relihiyoso pero may takot ako sa Diyos. at hanggang ngayon, takot pa rin ako sa iyo. ahahahah!!!

tay, mahal ko po kayo.

at kahit magkapaluan pa tayo kahit malaki na ako, ayos lang. basta wag lang parang frat!

love you tay..

(isingit mo si Willie Revillame. pagkatapos kong umiyak , tatanungin ako, "Anong talent mo?"

sasagot naman ako "sasayaw po.. *sabay singhot sa lumobong sipon*)

========================================================================

huwag niyong isiping dito lang umikot ang kabataan ko. mabait naman ang tatay ko. sadyang ang pangyayaring yan, doon sumuot talaga ang lahat sa utak ko.

++===

bating panapos: HAPPY FATHERS’ DAY sa mga tatay na nagbabasa, sa mga tatay niyo, sa lolo niyo.. basta kung sinong tatay niyo. okay?

wak na iyak…

No comments:

Post a Comment